BBL maaaring maipasa sa Senado sa Marso – Zubiri

Maaaring maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa huling pagbasa sa Senado sa Marso, ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri.

Ito ang siniguro ni Zubiri sa mga taga-Basilan sa pagpapatuloy ng public consultation ng Senado sa Isabela City Biyernes ng umaga.

“We want to assure you today that we have a timeline in place, mayroon po tayong timeline, tatapusin namin ang last hearing, the eleventh hearing after Zamboanga City today,” ani Zubiri.

“Ang Valentine’s [Day] gift namin sa inyo ay gagawin po nating plenary deliberations. Ang gusto po namin by March 22 we will pass it on third and final reading in the Senate,” he said.

Ayon kay Zubiri, matapos lang ang final leg ng public consultation sa Metro Manila sa susunod na linggo ay ihahain na ito sa plenaryo para sa deliberasyon.

Umaasa si Zubiri na maaayos na nila ang ilang pinagtatalunang provisions ng BBL sa tulong ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Ayon naman kay BTC chairman Ghazali Jaafar, dapat kasama ang Isabela City sa proposed Bangsamoro territory dahil ito ay sentro ng Basilan.

Dalawang beses na kasing bumoto ang mga taga-Isabela kontra sa pagsama sa lugar nila sa Southern Philippines Council for Peace and Development at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ito rin ang naging pananaw ni ARMM Gov. Mujiv Hataman. Ayon sa kaniya, dapat malaman ng mga taga-Isabela ang mga magiging pakinabang ng kanilang lugar kung papayag silang maging parte ng Bangsamoro government.

Ayon naman kay Zubiri, dadaan naman sa isang plebisito ang lahat, at depende na sa mga taga-Isabela kung ano ang magiging desisyon ng karamihan.

Samantala, naniniwala naman si Jaafar na matatapos ang problemang pangseguridad dahil sa bandidong grupong Abu Sayyaf sa Basilan kung maipapasa ang BBL.

May mga programa umano na nakapaloob sa BBL para tugunan ang problema ng terorismo sa Mindanao.

Ayon naman kay Zubiri, magiging mas madali ang pagsupil sa mga bandido sa ilalim ng Bangsamoro government dahil magkakaroon ng pagkakaisa ang iba’t ibang sektor para sa kaunlaran at mga hakbang laban sa mga bandido.

Dahil sa limitadong oras, iilan lang ang nakapagsalita sa public consultation.

Pero ayon kay Zubiri, positibo naman ang nakukuha nilang feedback mula sa mga lugar na kanilang pinuntahan, kasama na ang Basilan.

Sinusuportahan umano ng mga local officials ng Basilan at ibang sektor ang BBL, na sa kanilang palagay, ay magiging susi sa kaunlaran ng Basilan.

Source / Credit : patrol.ph ( Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. )

You May Also Like

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com