‘Cobra King’ ng Sorsogon, patay nang tuklawin ng alagang ahas

SORSOGON CITY – Binawian ng buhay ang tinaguriang “Cobra King ng Sorsogon City” na si Elies Lenturio, alyas “Peter,” ng Barangay Buarbod matapos itong matuklaw ng alagang ahas.

Ayon sa pamilya ng biktima, Sabado ng umaga ng basta na lamang itong tinuklaw sa kaliwang kamay ng alagang cobra na inilagay niya sa u-box ng motorsiklo.

Naipit umano sa u-box ang buntot ng cobra kaya nang buksan ito, bigla na lamang itong nanuklaw.

Dahil sa galit, pinugutan ni Lenturio ng ulo ang alagang ahas at ininom ang dugo nito.

Hindi na rin nagpadala sa ospital si Lenturio at umuwi na lamang para matulog dahil nakainom ito ng alak.

Habang natutulog, nakita na lamang umano ng kanyang anak na bumubula na ang bibig ni Lenturio at naninigas na ang katawan.

Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara nang dead on arrival.

Hindi makapaniwala ang pamilya sa nangyari lalo pa’t ilang beses na rin itong nakagat ng ahas ngunit nagagamot niya ang sarili.

Tinaguriang “Cobra King” sa Sorsogon si Lenturio dahil sa pag-aalaga nito ng iba’t ibang klaseng ahas mula pa nang siya ay 15 taong gulang. Siya rin ang takbuhan ng mga residenteng nagpapatulong kung may mga ahas na nakakapasok sa mga bahay.

Karren Canon, ABS-CBN News

Photo Owned By: ABS-CBN

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com