DOH Health Sec. Duque: Noynoy, Walang Kasalanan

Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na hindi dapat sisihin ang dating Pangulong Noynoy Aquino at si dating Health Secretary na si Jannette Garin tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng Dengvaxia Vaccine. Matatandaang sina Aquino at Garin ang nasa posisyon noon ng kasagsagan ng pagbili ng DOH ng dengue vaccination program noong taong 2016. Ayon kay Duque, base sa feedback at documentary evidence, sinunod nina Aquino at Garin ang tatlong guidelines ng World Health Organization (WHO) sa paggamit ng DENGVAXIA.

Paliwanag ng Health official, sa ilalim ng guidelines ng WHO, Maaari lamang ipagamit ang dengvaxia sa mga komunidad kung saan nakapagtala ng dengue sa 70% ng populasyon nito; pagturok sa mga edad mula 9 hanggang 45 at pagbibigay ng 3 shots ng vaccine. Gayunman, iginiit ni Duque na ayaw naman niyang pangunahan ang isinasagawang imbestigasyon ng senado, bukas at ng kamara sa miyerkules tungkol sa nasabing isyu. Hinimok na lamang ng kalihim sina Aquino at Garin na magsalita upang malinis ang kanilang mga pangalan. Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay una na ring inatasan ng Department of Justice (DOJ) para magsagawa ng sariling imbestigasyon kaugnay sa isyu. Ang kontrobersiyang ito ay nagsimula ng aminin ng SANOFI na maaaring magdulot ng mas mapanganib na Dengue ang Dengvaxia kung ito ay naibakuna sa isang individual na hindi pa nagkakaroon kailanman ng Dengue.

You May Also Like

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com