Domestic Helper, Comatose Sa Saudi Arabia

Nakaratay sa ospital sa Saudi Arabia at comatose ngayon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na tubong San Mariano, Isabela matapos umanong atakihin sa puso.

Anim na buwan pa lang daw nagtatrabaho sa Saudi Arabia si Leanne Limbauan bilang isang domestic helper. Pero noong Mayo 5, isinugod siya sa ospital dahil sa cardiac arrest.

“Na-cardiac arrest daw siya, itinawag sa amin nung May 6,” ani Ginalyn Abordo, kapatid ni Leanne.

Hindi sila kumbinsido na cardiac arrest ang dahilan kung bakit na-ospital si Leanne, lalo’t hindi nila makontak ang employer nito.

 

 “Sana naman sinabi sa amin ng maaga. Malakas naman siya nung umalis siya at ‘di siya makakaalis ‘pag may sakit siya,” ani Abordo.

Lalo pa raw silang kinabahan nang makatanggap sila ng balita noong Mayo 21 na patay na umano si Leanne.

“May tumawag sa amin na nanghihingi na ng organ ng kapatid ko dahil patay na daw, nagulat kami, hindi na ako mapakali,” ani Rosito Limbauan, asawa ni Leanne.

Kaya naman agad silang dumulog sa Department of Foreign Affairs at nakumpirma na buhay pa si Leanne pero comatose.

“Pumunta kami at sinabi na buhay pa daw at nasa ospital lang,” ani Rosito.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2, inaasikaso na nila ang mga dokumento para sa pagpunta sa Saudi Arabia ng isang kapatid ni Leanne.

“Susunod po ‘yung kapatid sa Saudi, inaayos na ang papeles,” ani OWWA Region 2 Director Pilipina Dino .

Dahil miyembro ng OWWA, tatanggap daw ng tulong pinansyal si Leanne at kaniyang pamilya.

Pagtatanim ng mais ang hanapbuhay ni Leanne bago pumunta sa Saudi Arabia upang magsilbing kasambahay. Gusto raw kasi niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang dalawang anak na edad 3 at 9 pa lang.

Source: ABS-CBN NEWS

You May Also Like

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com