Isang Barangay sa Taguig, apektado ng pagkalat ng tigdas

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes ang pagkalat ng sakit na tigdas sa isang barangay sa Taguig City.

Pito na ang naitalang kaso ng tigdas sa isang barangay sa Taguig, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

Dalawang linggo na ang nakalilipas nang magsimula umano ang mga kaso ng tigdas sa lungsod.

Iniimbestigahan na ng ahensiya kung may kinalaman ang mga kaso ng tigdas sa Taguig sa naging pagkalat ng tigdas sa Davao City noong nakaraang buwan.

Sa pahayag ng pamahalaang lokal ng Taguig, sinabi nitong mayroon na silang mga hakbang para protektahan ang kanilang mga residente.

Nagbabahay-bahay na umano ang mga health worker sa mga barangay ng lungsod para magbakuna ng anti-measles o pangontra sa tigdas ang mga batang anim na buwan hanggang limang taon gulang.

Binigay din umano ito kahit pa sila ay nabakunahan na dati.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na maaaring magdulot ng kamatayan sa mga musmos na kasimbata ng tatlong buwan.

Kaya mahalaga umano ang paghuhugas ng kamay at pagpapalakas ng resistensiya.

Hinimok ng DOH ang publiko na magpabakuna ng panlaban sa tigdas.

Ilan sa mga sintomas ng tigdas ay mala-trangkasong kalagayan, tuloy-tuloy na lagnat, mga pantal, at pamumula ng mata.

Paalala naman ng mga doktor ay kapag nabakunahan, nasa 10 hanggang 12 araw muna ang kailangang lumipas bago ito umepekto kaya mainam na lumayo muna sa mga lugar na may mga kaso ng tigdas.

— Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Source: ABS-CBN

You May Also Like

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com