Istasyon ng pulis, inatake ng mga hinihinalang rebelde

Inatake ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang istasyon ng pulis sa Binuangan, Misamis Oriental nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Chief Superintendent Timoteo Pacleb, pinuno ng Police Regional Office sa Northern Mindanao, tinatayang nasa 60 armadong lalaki ang nagpaulan ng bala sa gusali.

Sugatan ang apat na pulis, kabilang ang hepe, matapos tamaan ng splinter ng bala.

Isinabay umano ang pag-atake sa oras-oras na pagpapatunog ng kampana ng police station.

Matapos ang pag-atake, inagaw umano ng mga rebelde ang isang Elf truck para makatakas.

Pinahinto rin ng mga rebelde ang isang dumadaang bus para gawing harang sa daan.

Nakuha sa istasyon ang ilang bote ng molotov bomb habang pinasabog ng Explosive Ordinance Division ang limang rifle grenade.

Ayon kay Pacleb, motibo umano sa pag-atake ang pagkansela ng pamahalaan sa peace talks kasama ang mga rebelde.

Samantala, patay ang isang pulis habang pito ang sugatan sa pananambang ng mga hinihinalang miyembro ng NPA sa Labo, Camarines Norte noong Sabado.

Mga hinihinalang NPA rin ang itinuturong nasa likod ng pagpatay kay Angelo Luis, municipal councilor ng Baggao, Cagayan noong Sabado.

Nakuha sa pinangyarihan ang flier na nanghihikayat na sumali sa Henry Command ng NPA.

— Ulat nina Rod Bolivar, Ronilo Dagos, at Danielle Rebollos, ABS-CBN News

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com