Senado naghahanda na sa Sereno impeachment trial

Naghahanda na ang Senado para sa napipinto umanong impeachment trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon sa ilang senador, mukhang panahon na lang ang hinihintay para magsimula ang paglilitis nila sa punong mahistrado.

“Ang Senate ngayon is in preparation mode. Yesterday, I authorized that we should order robes. Our lawyers are finalizing our impeachment rules. I’ve asked them also to study the layout for trial. Nagre-ready na po tayo. Mabuti na ‘yung anticipating tayo,” sabi ni Senate President Koko Pimentel.

“It’s just a matter of time before the vote in the committee and eventually sa [House] plenary. Then after that, ita-transmit na sa amin. Kung makakakuha ng one-third [vote sa House], e nakita natin ang proceedings doon, mukhang doon papunta,” ani Senador Panfilo Lacson.

Nitong Martes, tinapos na ng House justice committee ang pagdinig ukol sa reklamong impeachment laban kay Sereno.

Nakatakdang pagbotohan sa plenaryo ng Kamara kung may sapat na basehan ang impeachable offense para tuluyang mai-endorso ang impeachment sa Senado.

“Kung hindi kasi nila iakyat, mapapahiya sila, na para saan ‘yung mga hearings na ‘yon, parang circus lang ang mangyayari. Obligado na silang iakyat ito dito,” sabi ni Senador Antonio Trillanes IV.

Hindi pa man nakukuha ang reklamo laban kay Sereno, duda na si Trillanes na may impeachable offense ang chief justice.

“Base sa una kong nakikita, baka hindi enough. We’ve seen and heard worse cases. ‘Yong kay Duterte, ilang libo ang pinatay, pinapatay ang impeachment. Pero we will see kung mape-present ng evidence that would be enough to move 16 senators to convict the Chief Justice.” he said.

Tingin ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, kung matanggap ng Senado ang impeachment complaint sa Marso, inaasahang magko-convene sa Mayo ang mataas na kapulungan bilang impeachment court para talakayin ang mga panuntunan ng impeachment at magpadala ng summons o atas sa mga kinauukulang personalidad para dumalo sa paglilitis.

Maaari rin aniyang magsimula pa lang sa huling linggo ng Hulyo ang paglilitis kasunod ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mag-a-adjourn ang ikalawang sesyon ng 17th Congress sa Hunyo 2, at magbubukas ang ikatlong sesyon ng Kongreso kasabay ng SONA.

“We will need a few days to convene as an impeachment court. Summons, 15 days para sumagot, pabalik, 40 days already. Trial? Projection is last week of July after the SONA because there is a mandated break by the Constitution and we can’t do anything about that,” ani Sotto.

Nauna nang sinabi ng kampo ni Sereno na liliban muna sa Korte Suprema ang punong mahistrado para sa kaniyang “wellness leave” simula Marso.

“Kung wellness or regular leave, karapatan naman niya. Very tedious process din at kailangan paghandaan ang depensa sa Senado. Di puwedeng i-assume na madali lang ang pagdadaanan niya rito,” ani Lacson.

Pero sinabi rin ng sources ng ABS-CBN News na pinuwersa umano si Sereno na mag-leave ng kaniyang mga kasamahang mahistrado sa Korte Suprema.

Ayon umano sa mga mahistrado, nakaladkad na ang buong Korte Suprema sa mga paratang kay Sereno, kaya’t nasisira na ang reputasyon at nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa institusyon.

Itinanggi naman ng abogado ni Sereno na si Atty. Jojo Lacanilao ang alegasyong sapilitan ang pagliban ng chief justice.

Ikinalulungkot naman ni Senador Franklin Drilon ang umano’y pag-aaway-away sa loob mismo ng kataas-taasang hukuman.

“I don’t feel good about this. I feel sad at the state of things; the fight between the justices becomes part of the public domain. I’ve been a lawyer for almost 50 years and this is the first time that I witnessed this kind of happening in the Supreme Court. I’m sure like any organization, may mga intrigahan diyan but it’s always kept under wraps. Ngayon lang ako nakakita na very openly and becomes part of the public debates ‘yong quarrels between the justices and it’s not good for our administration of justice,” ani Drilon.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS CBN News

Source: ABS-CBN / PATROL.PH

You May Also Like

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com