Suspek sa Grab driver slay, dati nang wanted

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 07:28 PM | Updated as of Nov 06 2017 09:14 PM

Kinilala na ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa transport network vehicle service driver na si Gerardo Maquidato noong Oktubre 26.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, ang 25 anyos na si Narc Delemios ang huling naging pasahero ni Maquidato bago matagpuan ang kanyang bangkay sa gilid ng bangketa sa Pasay City.

Ayon sa Pasay Police, sa pamamagitan ng mga detalyeng ibinigay sa kanila ng Grab Philippines at panayam sa isang “person of interest”, napag-alamang gumamit ng ibang pangalan at numero si Delemios para i-book at kunwaring magpahatid sa BGC Taguig.

Napansin din ng mga pulis na nagpaikot-ikot ang sasakyan na maaaring indikasyon na hinoholdap na noon ng suspek ang biktima.

Napag-alaman ding mayroon nang warrant of arrest si Delemios para sa kasong murder sa Parañaque City noong 2015.

Tingin ng pulisya, pagnanakaw ang pangunahing motibo ng suspek pero maaaring pumalag si Maquidato kaya binaril siya ni Delemios gamit ang 9mm na baril.

Tinutugis na ng Pasay City Police ang suspek pati ang maaaring kasabwat at kumakanlong sa kaniya.

Itinuturing na armed and dangerous ang suspek na si Delemios kaya nanawagan ang Pasay police sa mga nakakaalam ng kinaroroonan ng suspek na agad itong ipagbigay-alam sa kanila.

Samantala, labis ang pagdadalamhati ng pamilya at mga kaibigan ni Maquidato sa kaniyang libing nitong Linggo, Oktubre 5.

Nanawagan sila ng hustisya para sa itinuturing na huwarang tsuper.

— Ulat nina Raffy Santos at Oman Bañez, ABS-CBN News

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com